Alam ko matagal na nating pinagtatalunan si Lozada. Sabi mo, masama rin siya. Kaya lang naman kasi siya kumanta kasi nga sabi mo, hindi niya nakuha ang dapat na porsyento niya. nakalimutan ko na ang mga figures pero ang bottomline ng sinabi mo, batay sa interpretasyon ko, makasarili pa rin siya. Kaya hindi mo siya matanggap.
May punto ka. Kung tutuusin, si Lozada marahil ay kasapakat nila FG, Benjamin Abalos at kung sino sino pang hinyupak na nagnanais magnakaw sa kaban ng yaman. Ngunit, subukin nating magsuri ng mas malalim.
Kagaya ng marami ang iyong opinyon, "Kaya lang naman yan nagsalita kasi walang nakuhang kickback." Ngunit isa lamang ba itong simpleng isyu ng pera?
Mahirap maging tulad ni JLo. Mahirap maging isang witness laban sa first family. Alam naman natin kung gaano kalaki ang sklawa ng political powers nila. Lahat ay kaya nilang maniobrahin. At alam kong alam mo na naman ito. Sinugal na ni Lozada hindi lamang ang buhay niya kundi pati ang buhay at kinabukasan ng pamilya niya.
Sasabihin mo may mali rin siya. Sa palagay mo, bakit siya dalwang bukas na kamay na tinanggap ng simbahan? Dahil siya ay pagpapanibagong-hubog hindi tulad ng kanyang mga kasamahang kroni. Kaya niyang magsiwalat ng katotohanan hindi tulad nila FG at Abalos na todo tanggi pa rin sa kanilang ginawa. Kaya niyang tanggaping nagkamali siya.
Sasabihin mo rin, pagkatapos ng Senate Hearing wala na siyang ginawa. Sigurado ka? Sa bawat malawakang kampanya laban sa ChaCha, panawagan para sa pagbabago at katotohanan, naroroon si Lozada. Isa ako sa mga saksi at nakamayan ko pa nga siya sa isang rally noon malapit sa Baywalk.
Kung tutuusin, ang isyu ng NBN-ZTE ay hindi lamang hiwalay na isyu ng korapsyon. Kaya nga dapat magpasalamat pa tayo kay Lozada dahil isa siya sa maraming kayang manindigan at isiwalat ang bulok na sistema ng pamahalaan.
Dahil sa pag-iingay ni Lozada, marami ang kumilos, namumulat. Sa ganitong paraan, nagkakaroon tayo ng mas matabang lupa para sa pag-oorganisa. Kung saan, mas mapapalalim pa natin sa mga atrasadong nahamig ng isyu ng NBN-ZTE at nakisimpatya kay Lozada kung ano ba talaga nag lipunang ating ginagalawan at maugat ba kung bakit ito nangyayari.
Gayundin, lalo pa tayong nagkaroon ng pinaghahawakan (bukod sa sandamakmak pang kasamaan) na tuwiran at lubusan ang pagkakasala ng rehimeng Arroyo sa ating mamamayan.
At ngayong kumakaharap si Lozada sa isang malaking suliranin, suklian natin siya ng suporta at simpatiya. Sabi nga ni Kabataan Partylist Representative Mong Palatino, “During these times, the youth needs more role models like Lozada. May his sacrifice and strength enjoin the youth and the people to carry on with the fight for truth."
Ngayon, may itatanong ako sa'yo. Kung ganito ang pagtingin natin kay Lozada, paano pa ang ibang nagnanais na magsiwalat ng katotohanan? Ganoon din ba natin sila titingnan?
Iyong kasama,
Dark Angel
Punta kayo sa blog ko at may libreng pagkain!
ReplyDeletebarttolina.blogspot.com
salamat!